Araw ng kagitingan o kawalang pag-asa ?
Napasubo sa giyera, walang pagkain, walang bala
Sa unang araw pa lang iniwan na tayo ng Amerika
Kaya ang galit ni Pangulong Quezon, Simberguenza !
Ang sagot ni Roosevelt, Europa, mga Pinoy tiis muna
Lumaban kayo ng todo, kayo na ang bahala kay Homma
80 libong Pinoy at Kano laban lang sa 10 libong pwersa
Napilitang sumuko dahil sa gutom, cholera at malaria
"Death March" na naturingan ay isa lamang aksidente
Nagulat ang mga Hapon sa dami ng mga "surrenderees"
70 libong sumuko, walang pagkain, at saan ikukulong
Paano sila babantayan ng sampung libong mga hapon
Lumabas ang galit ng mga Hapon sa lahing kayumanggi
Asiano ang ating lahi, bakit dini-Diyos natin ang mga puti
Paano tayo igagalang sa dami ng nag-traidor na kalahi
Ang nagpahirap sa Pilipino, MAKAPILI at KALIBAPI
Tatlong taong walang Diyos, ang bayan ay binusabos
Pangakong "I shall return", tayo ay na-double cross
Nang sila'y bumalik, Maynila ay agad nilang pinulbos
Dumagundong ang bomba, at mga Hapon ay inubos
Di pa nakakabangon, muling iniwan at pinabayaan ...
Isinubong independensiya ay isang kasinungalingan
Muling umagos ang dugo dahil sa nais na kalayaan
Mga lumaban na Hukbalahap namasaker sa Bulacan
Kano ang nag-dikta, kahit nagkaroon ng halalan
Malayang nasunod ang kanilang mga kagustuhan
Parity Rights, base militar, pati kontrol sa kalakalan
Kano rin ang nagdikta sa isinulat nating kasaysayan
Di pa naman huli, mamulat kung ano ang katotohanan
Sadyang ang digmaan walang idinudulot na kabutihan
Galit ay iwaksi, kahit anong lahi, itim, dilaw man o puti
Wala sa kulay ang kaaway kundi ang mga ganid ang budhi
Sa "Araw ng Kagitingan" bayan huwag nating kalimutan
Minsan na tayong dinuhagi at bayan ay napaglalangan
Mga dikta sa atin ng dati nating mananakop ay suriin
Ang kanilang mga kaaway maaari nating kaibiganin
Bayan o sarili, tanong ni Heneral Luna kay Buencamino
Dati ay Kastila, naging Amerkano, ngayon ay mga Tsino
Ating itanong sa ating mga sarili kung tayo ay Pilipino
Mag-aral ng kasaysayan para di na tayo muling maloko
No comments:
Post a Comment